Kazuo Okada, ipinaaaresto ng Parañaque RTC

Ipinaaaresto ng Parañaque Regional Trial Court ang Japanese billionaire na si Kazuo Okada.

Nag-isyu si Judge Rolando How ng Parañaque RTC branch 257 ng warrant of arrest laban kay Okada dahil sa tatlong bilang ng kasong estafa.

Nag-ugat ang mga kaso sa umano’y pagkamal ni Okada ng nasa $3.1 million na halaga ng sweldo at consultancy fees bilang chairman at chief executive officer ng Tiger Resort Leisure and Entertainment Inc. o TRLEI, nang walang otorisasyon mula sa board of directors.

Ang TRLEI ang operator ng Okada Manila.

Ipinaaresto na rin ng korte si Takahiro Usui na dating presidente at chief operating officer ng TRLEI at umano’y kasabwat ni Okada.

Itinakda naman ni Judge How sa P348,000.00 ang piyansa ng bawat respondent para sa tatlong estafa cases.

Noong Agosto 2018, napaulat na naaresto si Okada ng anti-corruption agency ng Hong Kong dahil sa isyu ng kurapsyon.

Pero pansamantalang pinalaya matapos maglagak ng piyansa.

Base sa Forbes, si Okada ay pang-labing walo sa “richest man” sa Japan, at may net worth na $2.1 billion.

Read more...