Daraga, Albay Mayor Baldo ipinapasailalim sa HDO

Umapela si Senior Citizen Rep. Francisco Datol sa Department of Justice (DOJ) na isailalim ang Alkalde ng Daraga Albay sa Hold Departure Order ng Bureau of Immigration.

Ayon kay Datol, ngayong naisampa na ang kasong murder at frustrated murder laban kay Daraga Albay Mayor Carlwyn Baldo ay may sapat nang basehan ang DOJ para ilagay siya sa HDO .

Si Baldo ang sinasabing mastermind sa pagpatay kay Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe at kanyang police escort noong Disyembre 22 habang namimigay ng mga regalo sa senior citizens .

Samantala, hiniling naman ni 1-Edukasyon Rep. Bong Belaro kay Pangulong Duterte na ilagay sa preventive suspension si Baldo matapos na iturong mastermind sa pagpatay kay Batocabe.

Sinabi ni Belaro na dapat igiit ng pangulo ang paglabag sa section 60-68 ng Local Government Code (RA 7160) para isuspinde ang Alkalde ng Albay at iba pang civil servants na sangkot sa pagpatay sa kongresista.

Kaugnay nito, bagamat ikinagalak naman ni House Majority leader Rolando Andaya jr. na tukoy na ang mastermind sa pagpatay sa kapwa kongresista, ikinalungkot niya na kapwa politiko ang may gawa ng krimen.

Pinapurihan naman ni Deputy Speaker Raneo Abu ang PNP sa mabilisang pagresolba sa krimen ng pagpatay sa kanilang kasamahan at sa security aide niyo.

Kasabay nito, tiniyak ni Abu sa pamilya Batocabe at sa naulila ng body guard nito na mananatili silang mapagbantay hanggang hindi tuluyang naigagawad ang hustisya.

Read more...