Mga kandidato pinayuhan ni Duterte na huwag manakot ng mga botante

Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kandidato ng May 2019 midterm elections na iwasan ang paggamit ng karahasan para lamang manalo.

Sa talumpati sa birthday ng kanyang dating political adviser na si Francis Tolentino, sinabi ng presidente na handa siyang ikampanya ang mga tagilid na kandidato dahil wala anya siyang partido.

“If you want— kung kandidato ka, tagilid ka, huwag mong i-terorismo. Tawagin mo ako, kakampanyahan kita. Wala akong partido,” ani Duterte.

Handa umano si Pangulong Duterte na sabihan ang mga tao na kapag hindi nanalo ang kanyang kandidato ay ipapapatay niya ang mga ito.

“Sabihin ko sa tao, pag ‘di ka nanalo, patayin ko kayong lahat rito,” giit ng presidente.

Bagaman sinabi ni Duterte na wala siyang partido, siya ang chairman ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).

Ang pahayag ng presidente ay ilang oras matapos ihayag ng Philippine National Police na si Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo ang utak sa pamamaslang kay Ako Bicol party-list representative Rodel Batocabe.

Pinabulaanan na ni Baldo ang akusasyon ng PNP at sinabing hindi siya kailanman nag-utos na magpapatay.

Samantala, minaliit din ni Pangulong Duterte ang mga nangunguna sa December senatorial preferences survey ng Social Weather Stations.

Giit ng presidente, mayroon siyang kilalang mga tao na may alam, abogado, may dedikasyon at talagang gagawin ang kanyang mga utos.

Read more...