Dinukot na Chinese nasagip sa magkahiwalay na operasyon

By Justinne Punsalang January 04, 2019 - 01:18 AM

Nasagip ng mga otoridad ang dalawang dinukot na Chinese nationals sa magkahiwalay na operasyon.

Nakilala ang isang biktima na si Kang Xintong na napaulat na dinukot noong December 12.

Kwento ng ina ng biktima na nasa China, unang humingi ng 50,000 yuan o P382,500 ang mga kidnapper. Humingi pa umano ng karagdagang 20,000 yuan o P153,000 ang mga ito.

Matapos ma-deposit sa bangko ng mga kidnapper ang hininging halaga, hindi pa rin pinakawalan ng mga ito si Xintong.

Muli silang humingi ng P1.4 milyon, dahilan upang dumulog na ang ina ng biktima sa Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG).

December 20 nang mapag-alamang nakatakas si Xintong, dahilan upang agad na magpadala ng mga operatiba ang PNP-AKG sa Muntinlupa City.

Kinilala ng biktima ang kanyang kidnapper bilang si Pan Sijia.

Samantala, December 26 naman nang masagip ng mga otoridad ang isa pang biktima ng kidnapping na si Zaiping Yang sa Pasay City.

Ayon sa mga otoridad, nagsusugal si Yang sa isang hotel-casino sa Pasay nang lapitan ng limang mga Chinese nationals at pinahiram ng P200,000.

Matapos matalo sa sugal at hindi mabayaran, dinala ng grupo si Yang sa isang kwarto.

Kapalit umano ng kanyang kalayaan, humingi ang grupo ng 30,000 yuan o P229,500 mula sa pamilya ng biktima.

Sa tulong ng security personnel ng hotel-casino ay agad naaresto ang mga kidnappers na sina Zhou You Liung, Chang Chang Chun, Yu Jiang Yang, Ao Peng Liang, at Yang Yu Qi.

Mahaharap ang mga kidnapper sa kasong Kidnapping for Ransom with Serious Illegal Detention.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.