Daraga Mayor sasampalin ni Pangulong Duterte
Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na sasampalin o ilalampaso sa sahig si Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo.
Si Baldo ang itinuturo ng Philippine National Police (PNP) na utak sa pagkamatay ng kanyang political rival na si Ako Bicol Party-list Representative Rodel Batocabe.
Sa talumpati sa birthday ng kanyang dating political adviser na si Francis Tolentino, nagbabala si Duterte kay Baldo na huwag takutin ang mga kaanak ni Batocabe at handa anya itong sampalin mismo sa munisipyo.
Nagbabala pa ang punong ehekutibo na lalampasuhin sa sahig ang alkalde.
Giit pa ng presidente, mayroong tatakbo para sa napaslang na kongresista na maaaring asawa nito, anak o kamag-anak.
Bago masawi, makatutunggali sana ni Baldo sa pagka-alkalde si Batocabe sa May 2019 elections.
Samantala, kamakailan lamang ay sinabi ng anak ni Rep. Batocabe na si Justin na pagdedesisyunan pa ng pamilya kung sino ang hahalili para sa kandidatura ng kanyang ama.
Sa ilalim ng election law, si Batocabe ay maaari lamang mapalitan ng taong may kaparehas niyang apelyido dahil natapos na ang substitution para sa mga kandidato noong November 30.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.