Bilang ng mga nasawi dahil sa Bagyong Usman umabot na sa 122

Umakyat na sa 122 ang bilang ng nasawi dahil sa pananalasa ng Bagyong Usman ayon sa pinakahuling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Ayon sa NDRRMC, sa naturang bilang 105 ang sa Bicol region kung saan 57 ay mula sa Camarines Sur na itinuturing na pinakamalalang nasalanta ng bagyo.
Nakatakdang tumungo ngayong araw si Pangulong Rodrigo Duterte sa Camarines Sur ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Samantala, 18 ang naitalang nasawi sa Albay, 15 sa Camarines Norte, walo sa Sorsogon at pito sa Masbate.

Sa Northern Samar ay 13 ang naitalang nasawi, tatlo sa Oriental Mindoro at isa sa Laguna.

Ayon naman sa NDRRMC, 28 katao pa ang nawawala kung saan 23 ay sa Bicol Region.

Sinabi naman ni NDRRMC executive director Ricardo Jalad na ‘subject to validation’ pa ang bilang ng mga nasawi.

Makukupirma lamang ang bilang sakaling maberipika na ng Management of the Dead and Missing na pinamumunuan ng Department of the Interior and Local Government.

Read more...