May-ari ng CT Leoncio, aminado na kulang sila sa mga equipment para sa mga proyekto sa gobyerno

Aminado ang may-ari ng CT Leoncio Construction and Trading ang pagkukulang nila sa equipment at mga tauhan para tumapos ng proyekto sa gobyerno.

Sa pagdinig ng House Committee on Rules sa Naga City, sinabi ni Consolacion Leoncio na mayroon siyang tatlong project managers na nangangasiwa sa monitoring ukol sa progress ng apatnapung proyekto.

Taliwas ito sa standards na isang project engineer sa bawat proyekto kaya kinuwestyon ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr. kung paano ito nakalusot sa Bids and Awards Committee.

Iginiit rin ni Andaya na magiging disadvantage sa ibang contractors ang pagpayag ng BAC na manalo ang CT Leoncio gayong nagrerenta lang pala sila ng equipment kapag nagkukulang.

Ito anya ang dahilan kung bakit napapabayaan na ang status ng ilang government projects na milyun-milyong piso ang halaga gaya ng drainage construction sa Catanduanes, Sorsogon at Camarines Sur na kadalasan ay right of way issue ang nagiging problema.

Gayunman, ipinagmalaki ng legal counsel ni Leoncio na si Atty. Rafael Madrid na kung susuriin naman ang mga dokumentong nabunyag sa pagdinig ay may accomplishments pa rin ang contractor at simula noong 2010 ay sumasali na sila sa public bidding at noong 2017 ay nabigyan pa ng Triple A rating ng Philippine Contractors Accreditation Board.

Read more...