Cash-based budgeting, hindi na itutuloy ngayong taon – Rep. Andaya
Hindi na itutuloy ngayong taon ang panukalang cash-based budgeting system ng Duterte administration .
Ito ang sinabi ni House Majority leader Rolando Andaya Jr., sa pagdinig ng House Committee on rules kaugnay sa obligation based vs cash based budgeting at sa kwestiyunableng paggamit ng pond ng Department of Budget and Management.
Paliwanag ni Andaya, pinirmahan na ni pangulong Duterte ang resolution na nagpapalawig sa 2018 P3.767-trillion budget hanggang 2019.
Dahil sa pagpapalawig ng 2018 budget kaya mababalewala na ang cash based budgeting system ng DBM kung saan sa ilalim nito ay babawasan ang budget proposal para sa 2019 ng P10 bilyon kumpara sa nakaraang budget.
Sa cash based budgeting system, lilimitahan ang departments, bureaus, at attached agencies ng isang taon at tatlong buwang extension matapos ang fiscal year na bayaran ang lahat ng kanilang bayarin tulad ng gamit at serbisyo.
Subalit isinusulong ng mga kongresista ang obligations-based budgeting na nagpapanatili sa pagbabayad ng hanggang dalawang taon.
Nakasaad naman sa resolusyon ng Kamara na ang pag extend ng validity ng ilang bahagi ng 2018 national budget ay ilalagay sa relief projects at activities para sa mga biktima ng bagyong Ompong at Rosita.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.