Daraga Mayor Baldo todo-tanggi na siya ng utak sa Batocabe slay case
Mariing itinanggi ni Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo ang pagkaka-ugnay niya sa pagpatay kay Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe.
Sa kanyang inilabas na press release ngayong hapon, sinabi ng opisyal na malinis ang kanyang konsensya at ginawa lamang siyang scapegoat sa nasabing kaso.
“I assert my innocence. Let us not forget that while I’m being used as convenient scapegoat, those who are truly responsible for the crime remain free and blameless,” ayon sa pahayag ng alkalde.
Sinabi rin ni Baldo na nahusgahan na siya ng publiko sa nasabing kaso at ang gusto lamang niya ay magsilbi sa kanyang mga kababayan.
Kaninang umaga ay kinasuhan na si Baldo ng double murder case kaugnay sa pagpatay kay Batocabe noong December 22 makaraan ang isang gift-giving program sa bayan ng Daraga.
Sa pahayag ni Philippine National Police Chief Oscar Albayalde, sinabi nito na pitong mga kalalakihan ang inupahan ni Baldo para gawin ang pagpatay kay Batocabe na nagresulta rin sa kamatayan ng police escort nito na si SPO2 Orlando Diaz.
Buwan ng Agosto nang simulan ang plano sa pagpatay kay Batocabe makaraan itong magdeklara na tatakbo bilang alkalde sa bayan ng Daraga ayon sa hepe ng PNP.
Bukod sa pagkansela sa mga dokumento ng kanyang mga baril ay inalisan rin ng police control si Baldo base sa direktiba ni Albayalde.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.