Mga accredited establishments sa Boracay nadagdagan pa
Naglabas ng panibagong listahan ang Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) na naglalaman ng lahat ng accredited establishments sa loob ng isla ng Boracay.
Batay sa naturang listahan, 303 na ang kabuuang bilang ng mga pinayagang mag-operate na establisyimento sa isla.
Katumbas ito ng 10,467 mga kwarto na maaaring tuluyan ng mga bibisitang turista sa Boracay.
Paalala ng Department of Tourism (DOT), kailangang magkaroon muna ng reservation sa mga accredited na hotel at iba pang establisyimento kaakibat ng flight ticket ng mga turista.
Sa ngayon, limitado sa 6,405 ang bilang ng mga turistang papayagang makapasok sa isla.
Matatandaang anim na buwang ipinasara ang naturang tourist destination para sa rehabilitasyon at nagbukas lamang ito noong Oktubre ng nakaraang taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.