Ama pinatay ng sariling anak sa Caloocan City

By Justinne Punsalang January 03, 2019 - 03:41 AM

Inquirer file photo

Nasawi ang isang lalaki matapos siyang paghahampasin ng tubo ng kanyang sariling anak sa Camarin, Caloocan City sa unang araw ng 2019.

Kinilala ang nasawing biktima na si Lito Magbanua, 54 na taong gulang na dating barangay tanod at nabatid na dati nang na-stroke.

Kwento ng isa pang anak ng biktima, lasing na umuwi sa kanilang bahay ang suspek at kapatid na si Rhenzie.

Aniya, bukod sa pag-iinom ay lulong din ito sa ipinagbabawal na gamot.

Pagpasok pa lamang umano ng bahay ay sinipa ni Rhenzie ang ama, bago tuluyang binugbog at hinampas ng tubo.

Hindi nagawang makalaban ng ama dahil sa epekto ng stroke.

Maging ang kanilang iba pang mga kapatid ay sinaktan ni Rhenzie.

Matapos ito ay natulog ang suspek habang isinugod naman sa ospital ang biktimang si Lito, ngunit idineklarang dead on arrival ng mga doktor.

Agad na ipinaaresto ng magkakapatid si Rhenzie na napag-alamang siya ring nakapatay sa kanilang ina noong 2017.

Kwento ng mga kapatid ng suspek, hinihipuan sila ng kanilang kuya.

Sa ngayon ay nakakulong na si Rhenzie sa North Caloocan Police Station at mahaharap sa kasong parricide.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.