Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Ensign Bernardo Pagador Jr, commander ng Philippine Coast Guard sa Camarines Sur, walang anumang komunikasyon sa naturang lugar matapos ang pagguho ng lupa.
Hindi agad napasok ang lugar dahil sa hindi magandang panahon at malakas na agos ng tubig sa ilog.
Maliban sa isang chapel na ginawang evacuation site marami pang mga bahay ang natabunan sa landslide sa Sitio Garang.
Uunahing suyurin ng rescuers ang ibabang bahagi kung saan naroroon ang mga bahay dahil sa posibilidad na may mga residenteng naiwan doon at hindi lumikas at sa pag-asang may maililigtas pa.
Malawak ang lugar ang natabunan ng landslide na posibleng aabot sa 6 hanggang 8 ektarya.
Ito ayon sa coast guard ang kailangang targetin ng kanilang operasyon kaya makatutulong ng malaki ang K9 units sa paghahanap ng mga nawawalang indibidwal.