Walang namomonitor na banta sa Metro Manila matapos ang pagsabog sa Cotabato City na ikinasawi ng dalawang katao at ikinasugat ng marami.
Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni NCRPO chief Director General Guillermo Eleazar, na nananatiling nakataas ang full alert ang kanilang status at tuloy ang koordinasyon ng NCRPO sa iba’t ibang ahensya.
Kaugnay nito, hinikayat ni Eleazar ang publiko na maging mapagmatyag at agad iulat sa mga otoridad ang mga kahina-hinalang bagay at indibidwal.
Sinabi ni Eleazar na ilang beses nang nagkaroon ng mga pag-aresto sa Metro Manila dahil sa tulong ng mga residente.
Marami din aniyang nagre-report sa NCRPO na nagiging “false alarm” ang resulta pero wala naman itong problema dahil mas mabuti nang negatibo ang resulta kaysa naman magkaroon ng disgrasya nang dahil sa hindi agad nakapagsumbong ang publiko.
Ani Eleazar, ang kahon na iniwan sa mall sa Cotabato City, kung agad lang na naisumbong ng mga dumaraan ay marahil naiwasan pa ang disgrasya.