Mahaharap sa kaso ang 23 katao matapos ang iligal na pagpapaputok ng baril sa nagdaang holiday season ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde.
Mula December 16, 2018 hanggang kahapon, January 1, 2019, napag-alaman na sa 23 na nagpaputok ng baril, pito ang pulis, dalawa ang opisyal ng gobyerno, isa ang miyembro ng Armed Forces of the Philippines, dalawa ang security guards, isa ang law enforcement agent at 10 ang sibilyan.
Sa kanyang pahayag, tiniyak ni Albayalde na hindi kaaawaan ang pasaway na mga kawani ng gobyerno na magpapaputok ng baril sa holiday season.
Iiral anya ang batas sa lahat ng mga ito.
Samantala, umabot naman sa 97 katao ang naaresto ng PNP dahil sa paglabag sa mga batas na nagbabawal sa paggamit at pagbebenta ng mga ipinagbabawal na paputok.