Nadagdagan ang bilang ng mga sugatan sa nangyaring pagsabog sa isang mall sa Cotabato City.
Nangyari ang pagsabog sa bilihan ng paputok malapit sa entrance ng South Seas Mall sa Lungsod ng Cotabato bandang 1:59 ng hapon.
Sa ulat ng Philippine National Police (PNP), mula sa 32, tumaas na sa 34 ang naitalang nasugatan sa insidente habang dalawa naman ang nasawi sa pag-atake.
10 sa mga sugatang biktima ay mga menor de edad.
Batay sa nakarating na impormasyon mula sa Cotabato City Police, isang hindi nakilalang lalaki ang nag-iwan ng kahon sa entrada ng mall na ilang minuto lamang ay sumabog na.
Sinabi ng PNP na improvised explosive device (IED) ang nasa likod ng pagsabog.
Maliban sa unang ginamit na IED, nakakita pa ng panibagong IED ang pulisya sa bahagi ng baggage counter sa ikalawang palapag ng mall.