Bilang ng sugatan dahil sa paputok ngayong taon, bumaba nang 68% – DOH

Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng “biggest drop” sa bilang ng mga nasugatan dahil sa paputok ngayong taon.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ito ay bunsod ng mga batas na ipinatupad ng gobyerno at maulang panahon.

Mula kasi December 21, 2018 hanggang January 1, 2019, aabot sa 139 na firecracker-related injuries ang naitala ng DOH.

Mas mababa ito nang 68 porsyento kumpara sa kaparehong pesta noong nakaraang taon na may 428 na kaso.

Sa isang press conference, sinabi ni Duque na ito ang may pinakamalaking bawas sa bilang ng mga nabibiktima ng paputok.

Nangunang sanhi ng mga pagkasugat ang “kwitis” o rocket na may 30 na kaso.

Sumunod naman ang 16 kaso ng PVC cannon o “boga.”

Isa rin sa mga naging sanhi ng pagkasugat ang piccolo na may 15 na kaso at lucess na may walong kaso.

Samantala, karamihan naman sa bilang ng mga sugatan ay nakuha sa National Capital Region (NCR) na may 53 na kaso, sumunod ang Western Visayas na may 26 na kaso at Central Visayas na may 13 na kaso.

Sa kabila nito, sinabi ni Duque na posible pang madagdagan ang kaso oras na makarating sa kanila ang reports mula sa probinsya.

Matatandaang inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 28 kung saan nagbabawal sa paggamit ng mga paputok.

Read more...