Ayon kay Governor Al Francis Bichara, pati kasi ang mga mabababang bundok ay bumigay din.
May apat aniyang barangay sa bayan ng Tiwi ang nagkaroon ng landslides.
Sinabi ng gobernador na tumanggi ang karamihan sa mga residente na lisanin ang kanilang mga tahanan sa kasagsagan ng malalakas na pag-ulan dulot ng Bagyong Usman.
Aniya, hindi inaasahan ng mga residente na aabot ng mahigit 24 oras ang pag-ulan dahilan para lumambot ng husto ang lupa.
Ayon naman sa Office of Civil Defense (OCD), 266 na barangay ang apektado ni Usman sa Bicol region at 2,473 na pamilya o 7,470 na indibiduwal ang kasalukuyang nananatili sa 35 evacuation centers.