Patay dahil sa Bagyong Usman umabot na sa 57
Umabot na sa 57 katao ang naitalang nasawi dahil sa pananalasa ng Bagyong Usman sa Bicol Region ayon Office of the Civil Defense (OCD).
Sa isang consolidated report ng OCD, ang Albay ang nakapagtala ng pinakamaraming nasawi kung saan 15 katawan ang narekober sa retrieval operations.
Tatlo ang nasawi dahil sa landslide sa Legazpi City.
Sa Baao, Camarines Sur, isa sa mga nasawi ay ang isang-taong gulang na bata na si Jersey De Lima na natabunan din ng lupa kasama ang apat pang ibang kaanak.
Bukod sa 15 katao ang nasawi sa Albay, anim na ang naitatalang patay sa Sorsogon, 23 sa Camarines Sur, anim sa Camarines Norte at pito sa Masbate.
Samantala, patuloy ang paghahanap sa 11 katao na nawawala.
Pito ang nawawala sa Albay, isa sa Camarines Sur, isa sa Camarines Norte at dalawa sa Sorsogon.
Nauna nang isinailalim ni Camarines Sur Governor Miguel Villafuerte ang buong lalawigan sa state of calamity dahil sa lawak ng pinsala ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Ayon pa sa ulat ng OCD, umabot na sa P251 milyong halaga ng bigas ang naapektuhan ng bagyo sa Camarines Sur.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.