Una nang nagpatupad ng bawas presyo noong Sabado ang mga kumpanyang Unioil, Seaoil, PTT Philippines at Phoenix Petroleum upang ma-enjoy ng mga motorista ang pagsalubong sa Bagong Taon.
Ang Jetti naman ay nagpatupad ng rollback kahapon, araw ng Linggo.
Sa kanilang mga abiso, ang oil firms ay may bawas na P1.30 sa kada litro ng gasolina; P1.80 naman ang tapyas sa kada litro ng diesel; habang P1.90 ang rollback sa kada litro ng kerosene.
Samantala, ang Shell na may kaparehong rollback sa gasolina at kerosene ay may mas malaki namang bawas sa presyo ng kanilang diesel.
May tapyas na P1.85 centavos ang Shell sa kanilang diesel ngunit ang rollback ng kumpanya ay epektibo bukas pa, araw ng Martes, January 1.
Samantala, inaasahang tataas na ang presyo ng petrolyo sa darating na taon dahil sa mas mataas na excise tax.
Tataas ng P2.24 ang bawat litro ng gasolina at diesel habang P1.12 ang sa kada litro ng kerosene o gaas.
Ang presyo LPG ay tataas din ng P1.12 kada kilo.
Gayunman, bawal pang ipatong ng mga kumpanya ng langis ang bagong buwis habang hindi pa nauubos ang kanilang stock ng petrolyo na napatawan ng excise tax para sa taong 2018.