Pangulong Duterte nangakong pabibilisin ang land reform program
Nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na pabibilisin ang land reform program o pamamahagi ng mga lupain ng gobyerno.
Inihayag ng presidente ang pangako sa kanyang talumpati sa Kidapawan City kung saan kanyang pinangunahan ang pagbibigay ng 6,000 Certificates of Land Ownership Award (CLOA) sa mga agrarian reform beneficiaries sa North Cotabato.
Ayon kay Duterte, hindi na patatagalin ang pagbibigay ng mga lupain nariyan man o wala ang mga komunista.
“I intend to dispose of all government lands, huwag nang patagalin (let’s not make it longer), with or without communists, iyang friction sa lupa, meron talaga iyan, so ibigay natin (there’s always that friction about land, so, let’s distribute it),” ani Duterte.
Muling iginiit ng presidente na walang mananalo sa giyera na ipinipilit ng mga komunista hangga’t patuloy na hindi ibibigay sa mga mamamayan ang lupain.
Ayon pa sa pangulo, hindi kailangan na makinig sa mga komunista dahil pumayag naman ang gobyerno na mamahagi ng lupa basta’t may mga prosesong sinusunod.
Sinabi ni Duterte na handa siyang ibigay ang lahat ng lupain ng gobyerno partikular sa mga Lumad upang mapakinabangan ito ng kanilang mga anak.
Samantala, ayon kay Agrarian Reform Sec. John Rualo Catriciones, ang higit 6,000 land titles o katumbas ng 11,243 ektaryang lupain na ipinamahagi kahapon ay ang pinakamalaking lupain na ibinigay sa ilalim ng agrarian reform program ng bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.