862 pamilya sa lahar-prone barangays sa Guinobatan, Albay inilikas
Inilikas ng gobyerno ang 862 pamilya na naninirahan sa lahar-prone barangays sa bayan ng Guinobatan sa lalawigan ng Albay dahil sa patuloy na pagdadala ng ulan ng Bagyong Usman sa lugar.
Ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction Management Council Chief Teresita Alcantara III, ang mga pinalikas ay mga residente ng Barangay Tandarora, Barangay Muladbucad Grande at Barangay Maninila.
Pinangangambahan ng MDRRMC ang flash floods at pagragasa ng lahar mula sa Bulkang Mayon.
Pansamantalang pinatutuloy sa mga public elementary school ang mga pamilya para sa kanilang kaligtasan.
Sakaling gumanda na ang panahon ay papayagan ang mga ito na bumalik na sa kanilang mga tahanan.
Samantala, ayon kay Bicol Office of Civil Defense Operation Officer Jesar Adornado, mayroon ding walong pamilya ang inilikas naman sa Barangay Cawayan sa bayan ng Manito.
Nagkaroon din anya ng landslides sa Barangay Macalaya sa bayan ng Jose Panganiban sa Camarines Norte.
Habang may mga ulat ng pagbaha sa Barangay Mauyod sa Legazpi City at Barangay Binitayan sa bayan ng Daraga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.