Palasyo, masaya sa gumandang satisfaction rating ni Pangulong Duterte

Ipinahayag ng Palasyo ng Malacañang ang kasiyahan sa gumandang satisfaction rating ni Pangulong Rodrigo Duterte batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS).

Sa SWS survey nitong Disyembre lumabas na 74 percent ng mga Filipino ang nasisiyahan sa pagganap sa tungkulin ni Duterte bilang pangulo ng bansa o mas mataas sa 70 percent na naitala noong Setyembre.

Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na ang tuluy-tuloy na mataas na satisfaction rating ni Duterte ay taliwas sa mga ibinabato ng mga kritiko tungkol sa uri ng pamamahala ng presidente.

Ang suporta din anya ng mga Filipino sa pangulo ay nagbibigay ng mensahe sa human rights groups at foreign governments na ihinto na ang kanilang mga walang basehan at hindi patas na akusasyon sa giyera kontra droga ng gobyerno.

Giit pa ni Panelo, ang satisfaction rating ni Duterte ay sampal sa mga mukha ng mga human rights groups sa pakikialam sa soberanya ng bansa.

Sa huli, nagpasalamat ang Malacañang sa mga Filipino sa patuloy na suporta sa presidente na magbibigay umano ng inspirasyon upang pag-igihin pa ng administrasyon ang paglilingkod sa Pilipinas at sa mga mamamayan nito.

Read more...