Pagputol sa 500 na puno sa Pangasinan, itutuloy pa rin ng DPWH
Itutuloy pa rin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagputol sa tinatayang 500 mga puno sa Pangasinan para sa kanilang road widening project sa Manila North Road (MNR).
Ito ay sa kabila ng mga pagtutol mula sa mga environmental groups at lokal na opisyal na putulin ang mga puno sa kahabaan ng MNR na tumatagos sa mga bayan ng Rosales, Villasis, Binalonan, Pozorrubio at Sison, at sa Urdaneta City.
Ang nasabing tinatayang 500 puno na lamang ang natitira sa 1,829 na punong minarkahan para putulin sa 42-kilometrong daanan.
Natigil lamang ang pagpuputol noong February 2014 dahil nag-expire na ang tree-cutting permit ng DPWH.
Ayon kay DPWH 2nd District Engineering Office head Emmanuel Diaz, hangga’t naroon ang mga puno, maaari itong magdulot ng panganib sa mga motoristang dumadaan sa MNR.
Ilang aksidente na rin ang naitala sa MNR dahil sa mga puno, kaya naman humingi na sila ng permiso mula sa Department of Environment and National Resources (DENR) para tanggalin ang mga ito.
May mga nongovernment organizations na ang humamon sa application ng DPWH sa Urdaneta court para maglabas ng temporary environmental protection order upang maisalba pa ang mga nalalabing puno.
Ngunit hanggang ngayon hindi pa rin tapos ang pagdinig sa kaso, at pinutol na ang 181 na puno dahil patay na ang mga ito dulot ng girdling na ginawa para hindi na dumaloy ang mga nutrients sa loob nito.
Para palitan ang mga pinutol napuno, nagtanim ng 182,000 na seedlings ang DPWH sa 380 ektaryang local watersheds.
Giit kasi ni Diaz, namamatay at nasisira na ang mga punong nasa right of way ng MNR kaya kailangan na putulin ang mga ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.