Intelligence gathering palalakasin ng G-20 members matapos ang Paris attack
Nangako ang iba’t-ibang lider ng mga bansang dumalo sa G-20 summit sa Antalya, Turkey na palalawigin pa ang intelligence gathering upang mapigilan ang kahalintulad na pag-atake sa Paris, France.
Ayon kay German Chancellor Angela Merkel, nagkaisa ang mga lider na hindi masusugpo ang mga terror attacks sa pamamagitan lamang ng puwersang militar, ngunit kailangan ng iba’t-ibang mga hakbang upang masawata ang mga ito.
Kabilang aniya sa mga napagkasunduan ng Group of 20 o G-20 leaders ay ang pagpapalakas ng intelligence-sharing ng mga gobyerno at tiyaking hindi na magkakaroon ng pondo ang mga terror groups.
Sa pahayag ni Russian President Vladimir Putin, mahalagang mahinto ang pondong tinatanggap ng Islamic State sa mula sa oil smuggling.
Nagkaisa naman sina Putin at British Prime Minister David Cameron na kailangan ng joint action upang mapigil ang terorismo matapos ang Paris Attack.
Plano ng Great Britain na magsagawa ng donor conference sa susunod na taon upang masolusyunan ang pagdagsa ng mga refugees mula sa Syria.
Matatandaang kasama sana sa G-20 leaders meeting si French President Francois Hollande ngunit nagpasya itong hindi na dumalo matapos ang pag-atake sa Paris.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.