Daan-daang mga commuter ang napilitang malakad sa kahabaan ng Roxas Blvd., hanggang sa Cavite Expressway o Cavitex kagabi dahil sa kawalan ng masasakyan.
Ito’y matapos na pagbawalan ang mga pampublikong sasakyan na makapasok sa Roxas Blvd., dahil sa ipinatutupad na seguridad para sa mga delegadong dumdalo sa APEC summit.
Marami sa mga naapektuhang pasahero ang nakitang naglalakad sa may bahagi ng Coastal Mall sa Parañaque City upang makarating sa bayan ng Bacoor, upang makahanap ng sasakyang maghahatid sa kanila pauwi.
Una rito, ipinag-utos na ng lokal na pamahalaan ng Maynila na ipagbawal ang mga pedestrian sa kahabaan ng Roxas Blvd., bilang bahagi ng pinaigting na seguridad matapos ang Paris attack sa France.
Samantala, idinaan na lamang sa social media ng mga netizens ang kanilang galit sa anila’y perwisyong idinulot ng APEC sa kanila.
Gamit ang hastag na #apectado, libu-libong mga galit na galit na mga netizens ang nagreklamo dahil hindi kasama sa plano ng gobyerno ang pagbibigay ng masasakyan sa mga manggagawang papasok sa trabaho.