Asawa ni Rep. Batocabe, pinatatakbo sa pagka-alkalde ng Daraga
Umamin si Gertrudes ‘Gertie’ Duran-Batocabe na marami ang humihimok sa kanya na humalili sa kandidatura ng kanyang asawa sa pagka-alkalde ng Daraga, Albay.
Matatandaang napaslang si Ako Bicol Party-list Representative Rodel Batocabe na matunog na kandidato sa pagka-alkalde ng bayan sa May 2019 elections.
Sa isang press conference sinabi ni Gertrudes na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang humimok sa kanya upang hindi mawalan ng saysay ang pagkamatay ng kanyang asawa.
Sinabi umano sa kanya na kaya niyang mamuno ngunit sa ngayon anya, ang kanyang focus ay ang maihimlay ang asawa nang may dignidad at maibigay ang hustisya para rito.
Sinabi ni Mrs. Batocabe na hindi siya padadala sa pressure na tumakbo at ito ay kanyang magiging personal na desisyon.
Gagawin niya lamang anya ito dahil sa isang layunin at kung kaya niya ito.
Samantala, nagpasaring din ang ginang sa pumatay sa kanyang asawa na hindi naman niya pinangalanan.
Desperado anya ang pumatay sa kanyang asawa na pinatay nang parang hayop lang sa kabila ng sobrang pagmamahal nito sa Daraga.
Nanawagan naman si Atty. Justin Batocabe sa Commission on Elections na maging mapagmatyag dahil sa posibilidad na may kinalaman sa pulitika ang pamamaslang sa kanyang ama.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.