Pinabulaanan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga ulat na naaagaw na ng Chinese nationals ang mga trabaho na dapat ay para sa mga Filipino.
Sa isang press briefing sa Malacañang, sinabi ng kalihim na hindi totoong ibinibigay ang trabaho sa mga Chinese nationals.
Anya, ang mga trabahong hindi kayang gawin lamang ng mga Pinoy ang ibinibigay sa mga dayuhan tulad ng mga trabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na nangangailangan ng pagkabihasa sa Chinese language.
Ani Bello, basic requirement sa pagbibigay ng Alien Employment Permit (AEP) na ibibigay lamang ang isang trabaho o serbisyo sa isang dayuhan kung hindi ito kayang gampanan ng isang Filipino.
Samantala, pinag-aaralan na anya ng DOLE ang kanselasyon ng isang kautusan na nagbibigay kapangyarihan sa Bureau of Immigration (BI) na makapag-isyu ng AEPs.
Matatandaang ang isyu ng pagdami ng Chinese workers sa bansa ay nagresulta pa sa isang imbestigasyon ng Senado.
Nabahala ang ilang mga senador sa posibilidad na Chinese nationals na ang nakikinabang sa mga trabahong dapat ay para sa mga Filipino.