Ayon sa 11pm weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 330 kilometro Silangan ng Guiuan, Eastern Samar.
Napanatili nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 65 kilometro bawat oras.
Kumikilos ito pa-Kanluran sa bilis na 10 kilometro bawat oras.
Sa ngayon nakataas ang signal no.1 sa mga sumusunod na lugar:
• Southern Quezon
• Marinduque
• Romblon
• Catanduanes
• Camarines Sur
• Albay
• Sorsogon
• Masbate kasama ang Ticao at Burias Islands
• Southern Oriental Mindoro
• Cuyo Island
• Eastern Samar
• Northern Samar
• Samar
• Biliran, Leyte
• Southern Leyte
• Northern Cebu kasama ang Camotes Islands
• Aklan
• Capiz
• Iloilo
• Guimaras
• Antique
• Northern Negros Occidental
• Dinagat Island
Sa mga naunang bulletin, inaasahang hapon ng Sabado tatama sa lupa ang bagyo ngunit sinabi ng PAGASA na Sabado na ng gabi ito tatama sa Eastern Visayas matapos bumagal.
Posibleng lumakas pa ito habang hindi pa tumatama sa lupa at inaasahang aabot pa sa tropical storm category.
Ngayong gabi, makararanas ng katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan sa Bicol Region, Eastern Visayas at Dinagat Islands.
Ibinabala ng weather bureau ang posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa sa naturang mga lugar.
Mararanasan naman ang mahina hanggang sa katamtamang mga pag-ulan sa Metro Manila, CALABARZON at MIMAROPA simula bukas.
Sa ngayon, mapanganib ang paglalayag sa seaboard ng Northern Luzon, eastern seaboard ng Central Luzon, eastern seaboard ng Southern Luzon, eastern seaboard ng Mindanao at mga lugar na nasa ilalim ng signal no.1.
Samantala, kung mapapanatili ang pagkilos, posibleng Linggo ng gabi ay nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility ang Bagyong Usman.