Daraga, Albay posibleng ilagay sa full-control ng Comelec

Ikinukunsidera na ng Commission on Elections o Comelec ang pagsasailalim sa bayan ng Daraga, Albay sa kontrol ng poll body.

Ito ay kasunod ng pagpatay kay Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe at police escort na si SPO1 Orlando Diaz sa Daraga noong Sabado (December 22).

Si Batocabe ay naghain noon ng kandidatura sa pagka-alkalde sa bayan ng Daraga.

Pagkalipas ng ambush sa mambabatas, may dalawang tao na natagpuang patay sa naturang munisipalidad.

Ayon kay James Jimenez, ang tagapagsalita ng Comelec, magsasagawa sila ng En Banc kung dapat bang ilagay sa kanilang kontrol ang Daraga, Albay.

Pinag-aaralan na rin aniya ng Comelec ang rekomendasyon ng local Comelec officials, at report at assessment ng Philippine National Police.

Inaasahan aniyang ilalabas ng ahensya ang desisyon bago o mismo sa January 13, 2019 o bago ang pagsisimula ng election period, kaugnay sa 2019 midterm elections.

Batay sa batas, ang Comelec ay maaaring kontrolin ang isang lugar na mayroong intense political rivalry sa pagitan ng mga kandidato o partido.

 

Read more...