Rep. Biazon, nanawagan ng imbestigasyon sa hindi nagamit na Yolanda funds
Maging ang isang kaalyado ng administrasyong Aquino ay nais nang isailalim sa imbestigasyon ang P1.6 bilyong disaster funds na hindi nagamit dalawang taon ang nakalipas matapos salantahin ng super bagyong Yolanda ang Visayas.
Inihain ni Rep. Rodolfo Biazon ang House Resolution No. 2496 na naglalayong paimbestigahan sa mga kaukulang kumite ang mga hindi nagamit na pondong nakalaan para sa rehabilitasyon at relief sa mga biktima ng Yolanda.
Ayon kay Biazon, malaki ang magagawa at maaaring magawa pa ng malaking halagang ito para matulungan ang mga biktima ng Yolanda na makaahon at muling buuin ang kanilang mga komunidad.
Dapat aniyang magpaliwanag ang mga ahensyang pinaglagakan ng mga pondong ito kung bakit naantala ang tulong na nakatakdang ipamahagi sa mga sinalanta ng bagyo.
Ani Biazon, napag-alaman ng Commission on Audit na may anim na mga ahensya ang piniling itabi lamang sa kanilang mga bangko ang pondo kaysa gamitin sa tamang paraan.
Bukod kay Biazon, una na ring nanawagan sina Bayan Muna Rep. Neri Colmenares at Leyte Rep. Martin Romualdez na imbestigahan ang mga hindi nagamit na pondo para sa Yolanda.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.