Ilang malaking kumpanya kabilang ang PLDT nananatiling problema ng DOLE sa isyu ng regularisasyon

Bagaman malaking bilang na ng mga empleyado ang na-regular sa bansa mula ng maupo sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte, aminado ang Department of Labor and Employment (DOLE) na problema pa rin nila ang ilang malalaking kumpanya.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III, maituturing na unprecedented ang nagawa ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan mula nang magsimula ang kaniyang termino ay umabot sa mahigit 400,000 ang bilang ng mga manggagawa ang na-regular.

Ang nasabing bilang ay pawang mga dating contractual employees na ngayon ay naregular na sa trabaho.

Kumpiyansa ang DOLE na bago matapos ang taon aabot sa 500,000 ang bilang mga empleyadong mare-regular sa trabaho.

Ayon kay Bello, kabilang sa mga nag-regular ng kanilang mga empleyado ay ang SM, Jollibee, DOLE Philippines at iba pa.

Pero aminado si Bello na problema pa rin ng DOLE ang ilang malaking kumpanya na ayaw sumunod sa utos na iregular ang kanilang mga manggagawa.

Isa sa binanggit ni Bello ang PLDT na inatasan ng DOLE nan iregular ang nasa 7,000 manggagawa pero umapela sa Court of Appeals ang kumpanya at kinuwestyon ang kautusan ng DOLE.

Read more...