11 sundalo sugatan matapos pasabugan ng IED ng mga miyembro ng NPA sa Compostela Valley
Sugatan ang labingisang sundalo matapos makasagupa ang mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Compostela Valley kahapon ng umaga.
Ayon kay Capt. Jerry Lamosao, tagapagsalita ng 10th Infantry Division ng Philippine Army, naganap ang sagupaan sa pagitan ng 10th Division Reconnaissance Company at 25th Infantry Battalion at ng NPA sa Sitio Tinago, Brgy. Mt. Diwalwal sa bayan ng Monkayo.
Sinabi ni Lamosao na iniulat ng mga residente sa mga sundalo ang presensya ng NPA sa lugar na nagre-recruit umano ng mga bagong miyembro at pinupwersa ang mga sibilyan na dumalo sa anniversary gathering ng grupo.
Doon na nagsagawa ng operasyon ang tropa ng gobyerno.
Gayunman, nagpasabog ng IED ang mga rebelde na ikinasugat ng 11 sundalo.
Dinala na sa pagamutan ang mga nasugatang sundalo at pawang nasa maayos nang kondisyon.
Patuloy ang pursuit operations laban sa mga nagsitakas na rebelde.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.