Ginang napaanak sa kalsada dahil sa trapik dulot ng APEC
Sa kalye na lamang napaanak ang isang ginang matapos na hindi ito umabot sa ospital sa Parañaque City dahil sa tindi ng trapik na idinudulot ng APEC Summit.
Sa isang Facebook post ng netizen na si Angel Ramos-Canoy, makikita ang mga larawan ng aktuwal ba panganganak ng naturang ginang sa kanto ng Aseana at Macapagal Ave. na tinutulungan ng ilang concerned citizens at mga pulis.
Ayon sa post, naglalakad ang maraming mga commuter sa lugar dahil sa kawalan ng masasakyan sa tindi ng trapik dahil sa matinding seguridad na ipinatutupad kaugnay ng APEC nang mapansin niya ang kumpol ng mga tao sa naturang lugar.
Nang siyasatin, dito niya nakita ang ginang na nakahiga sa kalye at tinutulungan ng mga pulis ng QCPD na nagbabantay sa lugar.
Nagtulong-tulong na lamang ang ilang bystander na payungan ang naturang ginang na nawalan ng malay matapos ang panganganak.
Diumano, hiniling ng ilang mga bystander sa mga pulis na isakay na lamang ang ginang sa kanilang mobile, ngunit hindi umano tumugon ang mga ito.
Nagtangka rin aniyang tumawag ng ambulansya ang mga alagad ng batas ng unit maging ito ay naipit sa mabigat na daloy ng trapiko.
Makalipas ang ilang minuto dinala na sa San Juan de Dios Hospital ang dalawa kung saan idineklara ng mga doktor na nasa mabuting nang kalagayan ang mga ito.
Mula umaga hanggang hapon, naging matindi ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa mga lansangan sa sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila dahil sa pagsasara ng ilang lansangan dulot ng seguridad sa APEC summit.
Dahil, dito, libu-libong mga commuters ang napilitang maglakad papunta o papasok sa trabaho makarating lang sa kanilang patutunguhan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.