Lalaking trainee umano ng militar arestado dahil sa baril sa Makati City

Makati City Police

Hinuli ng mga pulis ang isang lalaki dahil sa hindi lisensyadong baril sa Barangay Comembo, Makati City.

Ayon sa mga otoridad, nagpapatrolya ang mga pulis nang makasalubong nila ang ilang mga nangangaroling na kabataan.

Isinumbong ng mga ito sa mga pulis ang isang lalaki sa kahabaan ng Lansones Street na naglalaro umano ng isang baril.

Nagtungo ang mga pulis sa lugar upang berepikahin ang ulat ng mga bata.

Nakita ng mga pulis na mula sa bulsa ni Eusebio Morta, Jr. ay ibinato nito ang isang baril.

Nang lapitan ng mga pulis ay boluntaryo nang sumuko ang suspek.

Narekober mula kay Morta ang isang kalibre .45 baril at dalawang magazine na kargado ng 13 mga bala.

Mahaharap si Morta, na nagpakilalang trainee ng Philippine Army, sa kasong illegal possession of firearms and ammunition.

Read more...