Belgian Jihadist itinuturong utak sa Paris terror attack
Kinumpirma ng French government na isang Belgian Jihadist ang utak sa naganap na Paris terror attack noong weekend.
Sa ulat ng Associated Press, kinilala ang suspect na si Abdelhamid Abaaoud, 27-anyos na sinasabing residente ng Moleenbeek District sa Belgium.
Nakilala si Abaaoud base na rin sa ginawang interogasyon sa mga naarestong suspect sa ginawang crackdown operations ng mga otoridad.
Si Abaaoud din ang sinasabing lider ng isang terror cell sa Verviers Belgium na nalansag ng mga otoridad noong buwan ng Enero.
Sinabi ni Interior Minister Bernard Cazeneuve na kabuuan ay umaabot na sa 104 ang kanilang inaresto na posibleng may kaugnayan sa naganap na pag-atake.
Umaabot naman sa 31 assorted firearms at isang piraso ng rocket-propelled grenade ang nakumpiska ng mga otoridad sa iba’t-ibang kuta ng mga pinaniniwalaang terorista sa France.
Nauna dito ay sinabi ni French President Francois Hollande na base sa kanilang nakuhang impormasyon ay posible muling maghasik ng lagim ang ISIS sa kanilang bansa sa mga susunod na linggo.
Noong linggo ay dinurog ng mga bomba galing sa French Air Force ang pinaniniwalaang kuta ng ISIS sa lungsod ng Raqqa sa sa Syria.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.