LOOK: Pang. Duterte binisita ang mga labi ni Rep. Batocabe; pabuya itinaas sa P50M
Itinaas ni Pangulong Rodrigo Duterte sa P50 milyon ang pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa mastermind at gunman na pumatay kay Ako Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe.
Dumating sa lamay ni Batocabe sa Daraga, Albay si Pangulong Duterte bandang alas-8:53 ng gabi.
Isinara sa mga kawani ng media ang naturang pagbisita. Ngunit makalipas ang isang oras ay pinahintulutan ng punong ehekutibo ang mga media sa isang ambush interview.
Ayon sa presidente, irerekomenda niya na isailalim na ang buong lalawigan ng Albay sa control ng Commission on Election (COMELEC) dahil sa naganap na karahasan na ikinasawi ni Batocabe at kanyang police escort na si SPO1 Orlando Diaz.
Naniniwala pa si Pangulong Duterte na politically motivated ang krimen at isa umanong pulitiko ang nasa likod nito. Gayunman, hindi pinangalanan ng pangulo kung sino ito.
Positibo naman ang pangulo na malulutas kaagad ang naturang kaso, lalo na’t nakataas na sa P50 milyon ang patong sa ulo ng salarin at utak ng krimen.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang pangulo para sa mga naulila ni Diaz.
Bandang alas-11:45 ng gabi nang lumipad pabalik ng Maynila si Pangulong Duterte.
Samantala, nagpasalamat naman ang naiwang pamilya ni Batocabe sa pagdalaw ng presidente sa labi ng mambabatas.
Ayon sa mga ito, hanggang sa ngayon ay hindi pa nila masabi kung sino ang kanilang ipapalit kay Batocabe para sa 2019 mayoral race.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.