Inaasahang tatama sa kalupaan ng Eastern Samar ang bagyong Usman sa Biyernes, December 28.
Sa 11PM severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang tropical depression sa layong 565 kilometro silangan ng Surigao City, Surigao del Norte.
Dala ng sama ng panahon ang hangin na aabot sa 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna, at pagbugsong aabot naman sa 65 kilometro kada oras.
Sa ngayon ay kasalukuyang nakataas ang tropical cyclone warning signal number 1 sa Eastern Samar.
Ayon sa PAGASA, posible ring itaas ang kaparehong alarma sa Northern Samar, Samar, Biliran, Leyte, at Southern Leyte sa kanilang susunod na update sa bagyo bukas ng alas-5 ng umaga.
Malaki rin ang posibilidad na lumakas ang bagyo bago tumama sa kalupaan at maging isang tropical storm.
Dahil sa bagyong Usman, asahan na ang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan, na posibleng magdulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa, sa Bicol Region, Eastern Visayas, Surigao del Norte, at Dinagat Islands bukas, December 27.
Sa bisperas naman ng Bagong Taon inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Usman.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.