LTFRB patuloy na itinutulak ang PUV modernization program

Nananatiling matatag ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pagtutulak ng public utility vehicle modernization program (PUVMP).

Ayon kay LTFRB chairman Martin Delgra III, ang PUVMP ang core o flagship project ng pamahalaan para sa sektor ng transportasyon.

Sa ngayon, nasa 132 nang mga prangkisa ng 3,393 modernong PUVs ang nag-ooperate sa ilalim ng programa.

Umiikot ang mga ito sa iba’t ibang mga ruta sa Maynila, Tacloban, Cebu, Bohol, Iloilo, General Santos, Cagayan de Oro, at Caraga Region.

Mula sa naturang bilang, 2,297 dito ay mga pampasaherong jeep, 424 ang sa mga bus at mini-bus, at 624 naman ang mga UV Express.

Samantala, ayon kay Delgra, bagaman marami pang kinakaharap na problema ang modernization program ay tiniyak ng opisyal na patuloy pa rin ang implementasyon nito.

Paliwanag ni Delgra, hindi nililimitahan nd Department of Transportation (DOTr) ang pagsusupply ng mga modernong PUV sa mga local car manufacturers.

Ibig sabihin ay maaaring kumuha ang Pilipinas ng mga modernong PUV mula sa ibang bansa, basta pumasa ito sa technical standards ng programa. Kabilang sa standards ang Euro-4 na makina o electric, measurement ng mga sasakyan, at pagkakaroon ng CCTV, dashcam, at GPS.

Bagaman sa 2020 ang deadline ng complete implementation ng PUVMP, wala naman silang partikular na target para sa 2019 bagaman layunin nilang paramihin ang bilang ng mga modernong PUV sa mga lansangan.

Read more...