Pinangunahan ni Philippine Air Force Commanding General Lt. Gen. Jeffrey Delgado ang pagsasagawa ng air patrol at air intercept simulation na bahagi pa rin ng mahigpit na seguridad na nakalatag para sa APEC leaders’ summit.
Gamit ang ilang air assets ng Philippine Air Force, lumipad ang grupo ni Delgado sa ibabaw ng Metro Manila partikular na sa mga lugar na pagdarausan ng mga pagpupulong.
Mahigpit din ang babala ng Philippine Air Force at ng Civil Aviation Authority of the Philippines na hindi lamang ang mga sasakyang panghimpapawid ang sakop ng no fly zone order kundi pati na rin ang mga drones.
Nauna dito ay nag-deploy ang Philippine National Police (PNP) ng 32,000 sa kanilang mga tauhan dito sa Metro Manila para sa pagbibigay ng seguridad sa mga APEC delegates.
Makakatuwang ng PNP ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) samantalang ang Presidential Security Group (PSG) naman ang nakatalaga bilang close-protection security para sa mga APEC leaders.
Bukod sa no fly zone, noong weekend pa lamang ay ipinatutupad na rin ang no sail zone sa 2-nautical miles radius ng Manila Bay.