Hanggang sa ngayon ay wala pa ring direktang epekto sa bansa ang Tropical Depression Usman.
Sa 11PM severe weather bulletin ng PAGASA, patuloy na gumagalaw ang sama ng panahon sa bilis na 10 kilometro bawat oras sa direksyong hilagang-kanluran.
Dala nito ang lakas ng hangin na 45 kilometro bawat oras malapit sa gitna, at pagbugsong aabot naman sa 60 kilometro bawat oras.
Bagaman walang direktang epekto sa bansa ang bagyong Usman, bukas ng gabi o sa Huwebes ng umaga, ay posibleng makaranas ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan ang Bicol Region, Eastern Visayas, Surigao del Norte, at Dinagat Island.
Kaugnay nito, ayon sa PAGASA, maaaring itaas nila ang Tropical Cyclone Warning Signal No. 1 sa mga lalawigan ng Eastern Visayas at hilagang bahagi ng Caraga bukas o sa Huwebes.
Dahil dito ay asahan na ang pagka-antala ng mga biyahe ng mga barko at iba pang mga sasakyang pandagat sa mga nabanggit na lugar.
Bukas ng gabi, inaasahang nasa 575 kilometro silangan, hilagang-silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur ang bagyong Usman.