Praktikal ang naging payo ni Health Sec. Francisco Duque sa mga magulang para hindi maging biktima ng paputok ang kanilang mga anak.
Sinabi ng kalihim na dapat kalkalin ng mga magulang ang mga gamit ng kanilang mga anak at kapag may nakitang paputok ito ay kaagad na basain at itapon.
Ipinaliwanag ni Duque na walang mabibiktima ng paputok kung walang gagamit nito sa pagsalubong sa bagong taon.
Sa tala ng DOH, mga batang may edad lima hanggang labinglimangtaon gulang ang karamihan sa mga nagiging biktima ng paputok taon-taon.
Number one pa rin sa listahan ng mga pinaka-delikadong uri ng paputok ay ang piccolo, sinundan ng five-star, pla-pla at kwitis.
Sa buwang kasalukuyan pa lamang ay nakapag-tala na ng pitong kaso ng mga naputukan ang DOH.
Inaasahang tataas pa ang nasabing bilang habang papalapit ang pagsalubong sa bagong taon.
Sinabi pa ni Duque na suportado nila ang total ban ng paputok sa bansa at dapat lamang na mabigyan ng alternatibong kabuhayan ang mga nasa pyrotechnic industry sa bansa.