Misis inabot ng panganganak sa isang bangketa sa Makati City ngayong Pasko
Isang babae ang inabot ng panganganak sa isang lansangan ngayong Pasko sa lungsod ng Makati.
Sa ulat ng Makati City Police Office, nadaanan ng isang police mobilie car ang 28-anyos na buntis na ginang sa bahagi ng Burgos street sakop ng Brgy. Poblacion.
Dahil nahihilo umano ang nasabing babae kaya kaagad itong tinulungan ng grupo ni Police Officer 1 Eva Evardo.
Habang nakaupo sa bangketa at hawak ang kanyang tiyan ay biglang sinabi ng ginang na lalabas na ang kanyang sanggol kaya kaagad na tumawag sa Makati City Rescue Team ang nasabing pulis.
Pero bago pa man dumating ang tulong ay lumabas na ang sanggol kaya mabilis na umalalay si Evardo.
Inamin ng nasabing pulis na may training sila sa first aid kaya natulungan niya ang nanganak na ginang na naglabas ng isang lalaking sanggol.
Pagdating ng rescue team ay kaagad na dinala ang mag-ina sa Ospital ng Makati na ngayon ay nasa maayos namang kalagayan.
Napag-alaman rin na mula sa Mandaluyong City ang nanganak na ginang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.