Ayon kay Antipolo City Fire Marshall Fire Chief Inspector Orlando Antonio, pasado ala-1 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog na inabot ng dalawang oras bago tuluyang maapula.
Sa imbakan aniya ng rubber matting nagsimula ang apoy na mabilis kumalat sa buong gusali.
Dahil sa kapal ng usok at laki ng apoy ay nahirapan ang mga bumbero na apulahin ang pagliliyab. Kinailangan pa aniyang gumamit ng kemikal at oxygen tanks at masks ang mga bumbero upang mapasok ang gusali at maapula ang sunog.
Ani Antonio, malaking tulong din ang firewall ng pabrika kaya hindi na kumalat pa sa mga katabing bahay ang apoy.
Maswerteng walang nasaktan sa insidente at patuloy na inaalam ang halaga ng pinsalang idinulot ng pagliliyab.