Pananampalataya kay Hesus ipamana sa mga kabataan – Cardinal Tagle
Ang pinakamagandang regalo ngayong Pasko sa mga kabataan ay ang pananampalataya kay Hesukristo.
Ito ang mensahe ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa publiko sa bisperas ng Pasko.
Aniya, bukod sa edukasyon at maayos na buhay ay dapat ding ipamana ng mga magulang sa kanilang mga anak ang pananampalataya sa Diyos dahil ito ang regalong hindi kailanman masisira.
Nauna nang idineklara ng mga obispo sa bansa ang mga taong 2018 at 2019 bilang Year of the Youth.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Tagle na sa ngalan ng kapwa niya matatanda, humihingi siya ng pasensya mula sa mga kabataan dahil sa mga karahasan, kurapsyon, kasakiman, bisyo, bullying at toxic falsehood na nararanasan sa kasalukuyan.
Aniya, sa pamamagitan ng Panginoon ay tiyak na maibabalik ang lahat sa tama.
Samantala, sa homilya ni Cardinal Tagle para sa pagdiriwang ng bisperas ng Pasko ay ikinalungkot niya ang pagkakaroon ng mga taong nagdurusa at natatakot sa ‘walang katapusang silent night.’
Aniya, hindi kagaya ng kantang Pamasko na “Silent Night” hindi maituturing na banal ang mga tahimik na gabi dahil ang katahimikan ay dulot ng mga krimen at kasamaan na pinaplano at ginagawa sa gabi.
Ngunit pagtitiyak ng kardinal, manunumbalik ang kabanalan ng mga gabi sa pamamagitan ng pagmamahal ni Hesukristo na siyang Anak ng Diyos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.