Sa panayam ng media matapos ang isang gift-giving event sa Malate, Maynila, sinabi ni Albayalde na bilang isang magulang protective siya sa kanyang mga anak lalo na pagdating sa bullying.
Aniya, dapat ang mga magulang mismo ang nagtuturo sa kanilang anak ng tungkol sa pagkakaroon ng tamang asal upang makaiwas sa pagiging bully.
Hinimok pa ni Albayalde ang mga mambabatas na ibalik sa curriculum sa mga paaralan ang pagtuturo ng Good Manners and Right Conduct (GMRC).
Paliwanag niya, hindi maganda para sa indibidwal at lalo na sa komunidad kung ang isang bata ay lalaking bully.
Inihalimbawa ni Albayalde ang posibilidad na maging pulis ang isang bully na delikado at banta sa mga mamamayan.