PNP: May lumutang nang saksi sa Batocabe killing

FB photo

Mayroon nang saksi ang nakipag-ugnayan sa Philippine National Police na posibleng magbigay ng mahalagang impormasyon kaugnay sa pagpatay kay Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Special Investigation Task Group Batocabe spokesperson C/Insp. Luisa Calubaquib na may anim na kalalakihan rin na maituturing na persons of interest ang nakuhanan ng isang CCTV sa isang hotel sa Daraga, Albay kung saan naganap ang pamamaslang sa mambabatas.

Sa isinagawang forensic examination sa katwan ng kongresista ay napagalaman na apat na tama ng bala ang tumama sa kanyang ulo at katawan.

Lumilitaw rin sa imbestigasyon ba sabay na pinagbabaril sina Batocabe at ang kanyang namatay rin na police escort na si SPO1 Orlando Diaz.

Si Batocabe ay pasakay na sa kanyang sasakyan sa labas ng covered court ng Brgy. Burgos, Daraga, Albay makaraan ang gift giving nang siya’y tambangan ng mga suspek.

Mayroon ring mga ulat na nagsimulang makatanggap ng death threat ang biktima makaraan siyang mag-file ng kanyang certificate of candidacy bilang mayoralty candidate sa nasabing bayan.

Sinabi ni Calubaquib na na malaking tulong rin ang reward na ibibigay sa sinumang impormante para mabilis na maresolba ang krimen.

Ang AKO Bicol Partylist group ay naglaan ng P15 Million samantalang ang mga miyembro ng House of Representatives naman ay nangako na magbibigay ang bawat isang kongresista ng P50,000.

Kaugnay nito ay inaasahang aabot sa P30 Million ang reward money sa kung sinuman ang magbibigay ng impormasyon na magtuturo sa mga taong nasa likod ng pagpatay kay Batocabe.

Read more...