Mga nasugatan dahil sa paputok umakyat na sa pito; batang babae nakalunok ng pulbura

Radyo Inquirer File Photo | Ricky Brozas

Patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga nasugatan dahil sa paputok.

Sa pinakahuling tala ng Department of Health (DOH), umakyat na sa pito ang mga kaso ng firework-related injuries makaraang may maitalang dalawang dagdag na kaso kung saan isa ang nakalulon ng pulbura.

May bagong tig-isang kaso na naitala mula sa Metro Manila at Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM).

Ang mga nasugatan dahil sa paputok ay nasa edad dalawa hanggang labing tatlong taong gulang, at ang mga nakadaleng paputok ay boga, 5-star, camara, kwitis at piccolo.

Isa sa mga biktima ay kinailangang putulan ng isang daliri sa kamay, tatlo naman ang nagtamo ng pinsala sa mata.

Aksidente namang nalulon ng isang tatlong taong gulang na batang babae mula sa Valenzuela ang laman ng flash bomb.

Naadmit na ang batang babae sa Philippine General Hospital (PGH) at ito ay binigyan na ng kaukulang lunas at ipinasuri na sa eksperto.

Tatlo sa mga nadale ng paputok ay kinailangang ma-admit sa ospital, habang ang iba pa ay pinauwi na matapos na gamutin.

Read more...