UNANIMOUS decision 118-110, 118-10, 116-112 ang hatol ng mga judges sa laban nina Floyd Mayweather Jr. at Manny Pacquiao. Natapos ang 12 rounds na wala man lang bumagsak.
Kay Judge Glen Feldman, 8 rounds nanalo si Floyd at 4 rounds lamang si Manny kayat 116-112 ang kanyang score.
Tingin niya nanalo lang si Manny sa rounds 4th, 6th, 9th at 10th. Si Judge Burt Clements na nauna nang nagpatalo kay Pacquiao sa split decision kay Juan Manuel
Marquez noong 2004 ay ganoon din ang tingin na sa 4th,6th, 9th at 10th round lang nanalo si Manny kayat 8/4 at 116-112 ang kanyang iskor.
Pero si Judge Dave Moretti, na kilalang kakampi ni Floyd sa marami niyang laban, ay umiskor na ngayon na 10 rounds nanalo si Mayweather at 4th at 6th round lang ang kay Manny kaya nanalo si Manny kaya nag-iskor siya ng one sided na 118-110.
Sa score card naman ng FOX sports na akin ding sinundan, 8 rounds ang kay Mayweather at 4 rounds lang ang kay Pacquiao; parehong pareho sa dalawang judges na sina Feldman at Clements.
Si Chris Mannix ng Sports Illustrated ay nakita namang dikitan ang labanan, 7 rounds kay Mayweather at 5 rounds kay Pacquiao, ang kanilang score, 115-113.
Matapos ang laban, ang sabi ni Manny sa interview, ang akala niya ay siya ang nanalo at wala namang ginawa daw si Floyd kundi tumakbo nang tumakbo at kapag nahuli ay biglang yayakap.
Sabi ng iba susuntok lang ng puntos pagkatapos ay iiwas na. Sa buong mundo, nag-trending ang pagkadismaya ng maraming nanood ng laban. Kahit ang mga nanood sa MGM Grand arena ay dismayado rin at binulyawan pa itong si Floyd dahil sa ginawa nitong pagtakbo.
Lumitaw ang gameplan ni Floyd: ang umiwas sa tama at Manalo siya sa puntos. Ganoon talaga ang inaasahan nating mangyari, lalot sa una pa lang ay si Floyd na ang nagdidikta sa lahat ng aspeto ng laban mula sa tiket, referee, judges at iba pa.
Ang importante, nakita ng buong mundo ang galling ng Pilipino na walang iba kundi si Pacquiao. Isa siyang makatotohanang “rags to riches story.”
Bumangon sa pakikibaka sa buhay mula sa kahirapan, nag-dropout sa high school, nagbakasakali sa Maynila, natulog sa lansangan, naging obrero sa isang construction, nanghihingi ng makakain at nagkargador sa mga karinderya sa paligid ng L&S gym sa Sampaloc para lamang isulong ang pangarap niyang magboksing.
Mula sa barya-barya at sa pagiging “nobody”, ay nakatunggali niya ang pinakamayamang boksingero sa buong mundo, na ang laban ang nagdala sa kanya ng higit $100 milyon o P4 bilyon. Paano nangyari ito? Ito ba’y biro ng Panginoon? Isang malaking inspirasyon si Pacquiao lalo na sa mga taong nawawalan ng pag-asa sa buhay.
Isang inspirasyon ang kanyang pagbangon sa kahirapan at nang siya’y makaangat ay walang tigil din ang pagtulong sa mga taong nakasama niya noon. Isang taong tumatanaw ng utang na loob.
Kung ako ang tatanungin, di pwedeng sabihin ni Mayweather na siya ang totoong nanalo sa laban. Alam ng milyun-milyong taong nakapanood, ang pakiramdam ay naloko sila ng media hype at publisidad nang sinasabing Fight of the Century.
Sa totoo pala ay tatakbo at yayakap lang. “Paper champion” lang si Mayweather dahil wala siyang ginawa kundi tumakbo, yumakap lang. Gulang at “yarian” sa mga judges at referee ang kanyang modus operandi.