Nagpakita muli ng magandang halimbawa si Pope Francis lalo na ngayong Kapaskuhan.
Ito ay matapos niyang bisitahin si Pope Emeritus Benedict XVI upang iparating ang pagbati sa mahalagang panahon na ito para sa Simbahang Katolika.
Tumungo ang Santo Papa sa Mater Ecclesiae Monastery kung saan kasalukuyang nakatira si Benedict gabi ng Biyernes sa Vatican.
Simula nang mahalal bilang Santo Papa si Francis, nakagawian na nitong bisitahin si Benedict tuwing Pasko.
Samantala, kahapon araw ng Sabado, isang bagong clinic sa St. Peter’s Square ang pinasinayaan ni Pope Francis para sa mga homeless sa Vatican.
Layon ng hakbang na mabigyan ng libreng serbisyong medikal ang 16,000 katao na walang permanenteng tirahan sa Vatican.
Binuksan din ng Santo Papa ang ilan pang pasilidad kung saan maaaring maligo at magpagupit ang mga mamamayan.