Batang lalaki naputulan ng daliri dahil sa paputok – DOH

File Photo

Ilang araw bago ang pagsalubong sa Bagong Taon, isang batang lalaki na ang naputulan ng daliri dahil sa paputok.

Sa ulat na inilabas ng DOH, isang 12-anyos na lalaki mula sa Cabanatuan City ang kinailangang putulan ng daliri sa kaliwang kamay matapos laruin ang paputok na five star.

Isinugod ang batang lalaki sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center.

Ito ang kauna-unahang insidente na naitala ng DOH sa kanilang isinasagawang surveillance sa fireworks-related injuries ngayong taon.

Dahil dito, muling nagpaalala si Health Sec. Francisco Duque III sa publiko lalo na sa mga magulang na huwag hayaan ang mga bata na maglaro ng anumang paputok ngayong holiday season dahil sa panganib na dala ng mga ito.

Giit ni Duque, maging creative at gumamit ng mga alternatibong pampaingay upang ipagdiwang ang holidays.

Samantala, ang taunang surveillance ng DOH sa fireworks-related injuries ay nagsimula na noong Biyernes, December 21 at tatagal hanggang January 5.

Read more...